Mga Hukom at Court personnel ng Manila RTC na naka-istasyon sa Manila city hall, inatasan na mag-self quarantine
Ipinapasailalim sa self- quarantine ang lahat ng mga hukom at court personnel ng Manila Regional Trial Court na naka-istasyon sa Manila city hall.
Ito ay matapos na magkaroon ng contact ang dalawang empleyado ng hukuman sa mga kamag-anak nila na nagpositibo sa Covid -19.
Sa dalawang pahinang memorandum na may lagda ni Executive Judge Virgilio Macaraig, inoobliga ang lahat ng Manila RTC Judges at Court employees na nasa Manila city hall na mag- self-quarantine mula June 18 hanggang June 30.
Pinayuhan ang mga ito na umiwas sa pakikisalamuha sa publiko at magsagawa ng tracing sa lahat ng mga naka-contact nila sa Court premises sa nakalipas na dalawang linggo.
Ipinauubaya naman sa mga hukom kung itutuloy o hindi ang mga naka iskedyul na in-court hearings nitong Huwebes.
Maaaring magsagawa ng video-conferencing hearings at tumanggap ng pleadings at mga mosyon sa pamamagitan ng e-mail ang mga apektadong Korte sa panahon ng Self- Quarantine.
Hiniling na ng Manila RTC sa Manila city government na magsagawa ng disinfection at sanitation sa Court premises sa loob ng City hall.
Ulat ni Moira Encina