Mga hukom at kawani ng hukuman, pinag-iingat ng SC sa paggamit ng mga social networking sites
Pinag-iingat ng Korte Suprema ang mga hukom at kawani ng hukuman sa paggamit ng mga social networking sites.
Sa circular number 173-2017 na inisyu ni Court Administrator Jose Midas Marquez, pina-alalahanan ang mga judge at court personnel na hindi nawawala ang kanilang pagiging miyembro ng hudikatura sa mga ipinopost o inilalathala nila sa kanilang social media account.
Nakasaad sa sirkular na-obserbahan na ang ilan sa mga hukom at court employees ay aktibo sa paggamit ng social media gaya ng Facebook, Twitter at Instagram para ihayag ang kanilang mga pananaw sa mga isyu.
Ayon kay marquez, ang paggamit ng social media ay karapatan at bahagi ng kanilang freedom of expression pero mayroong mga restrictions sa mga hukom.
Sa ilalim aniya ng section 6, canon 4 ng new code of judicial conduct, tinukoy na dapat umakto ang mga hukom at kawani ng Korte na naayon para mapanatili ang dignidad ng judicial office at ang independence at impartiality ng hudikatura.
Saklaw ng sirkular ang mga judges at court personnel sa mga first at second level courts.
Ulat ni: Moira Encina