Mga hukom, opisyal at empleyado ng Hudikatura, nanawagan kay Chief Justice on-leave Sereno na magbitiw sa puwesto
Pormal nang nanawagan ang mga hyko, opisyal at empleyado ng Hudikatura kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno na kaagad na itong magbitiw sa puwesto.
Ginawa ang panawagan matapos ang flag-raising ceremony ng Korte Suprema kanina na ikalawang Red Monday protest sa Supreme Court simula nang mag-indefinite leave si Sereno.
Hinintay muna na makaalis ang mga mahistrado ng Korte Suprema bago binasa ni Supreme Court employees Association President Erwin Ocson ang panawagan sa pagbibitiw.
Iginiit ng grupo ng mga judges at Judiciary employees at officials na panahon pa para magbitiw si Sereno bilang Punong Mahistrado.
Dapat anilang magsakripiskyo si Sereno para sa kapakanan ng buong hudikatura, mga mahistrado, mga opisyal at kawani ng Korte na nakaladkad sa Impeachment case nito.
Nasira anila ang reputasyon at integridad ng hudikatura dahil kay Sereno at hindi na dapat payagan na manatili ang ganitong kalagayan sa institusyon.
Ayon sa kanila, ang pagbibitiw ng may dangal ni Sereno ang nakikita nilang solusyon para muling sumulong at magpatuloy ang kaayusan at katahimikan sa Supreme Court.
Ang joint statement ay nilagdaan ng mga Presidente ng Philippine Judges Association, Supreme Court Employees Association, Supreme Court Assembly of Lawyer Employees, Philippine Association of Court Employees, at Sandiganbayan Employees Association.
Samantala, itinanggi ni Ocson na pinilit sila para ipanawagan na mag-resign si Sereno.
Kapansin-pansin naman na mas maraming Court employees at officials ang nakasuot ngpula kanina kumpara noong nakaraang Lunes.
Muli ring nagsuot ng pulang kurbata ang ilang opisyal at mahistrado ng Supreme Court.
May mga nagsuot rin ng red t-shirt na may naka-imprentang “Please resign now”.
Siyam na SC Justices ang dumalo sa flag raising ceremony kabilang si Acting Chief Justice Antonio Carpio.
Dumalo rin ang ilang mga hukom gaya ni Philippine judges Association President at Marikina City RTC Judge Felix Reyes.
Ang unang red monay protest noong nakalipas na linggo ay para ipakita ang suporta ng mga opisyal at empleyado ng Korte sa desisyon ng mga SC Justices na pagbakasyunin si Sereno.
Ulat ni Moira Encina