Mga hukuman na pisikal na sarado, nadagdagan pa
Naka-lockdown na rin hanggang katapusan ng Enero ang mga korte sa 27 iba pang lalawigan at mga lungsod sa bansa.
Sa supplemental memorandum order ni Chief Justice Alexander Gesmundo, ipinagutos nito ang pisikal na pagsasara ng mga hukuman sa mga karagdagang lugar matapos na ilagay rin ang mga ito sa Alert Level 3.
Kabilang sa mga nadagdag ay ang mga korte sa Benguet, Ilocos Norte, Isabela, Tarlac, Quezon Province, Cebu City, Aklan, Tacloban City, Cagayan de Oro City, Davao City, Agusan del Sur at Cotabato City.
Kaugnay nito, nag-isyu ang Office of the Court Administrator ng guidelines sa operasyon ng mga first- at second-level courts na pisikal na sarado.
Ayon sa OCA, suspendido muna ang lahat ng in-court hearings at tanging videoconferencing hearings sa mga urgent matters lang muna ang pinapayagan.
Ang raffle din ng mga kaso ay maaaring isagawa sa pamamagitan ng videoconferencing.
Pinapahintulutan naman ang pagpasok on-site ng limitadong kawani para sa urgent matters pero wala sila dapat na anumang sintomas ng COVID-19.
Moira Encina