Mga hukuman sa CDO inatasan ng SC na dinggin at litisin ang mga kaso laban sa Maute group kaugnay sa rebelyon sa Marawi City

Inatasan ng Korte Suprema ang Cagayan de Oro City Regional Trial Court na dinggin at litisin ang mga kaso laban sa mga miyembro ng Maute group at iba pang dawit sa pag-atake sa Marawi City.

Kaugnay ito sa kahilingan ng DOJ sa Supreme Court na magtalaga ito ng Special Courts sa labas ng Mindanao para hawakan ang mga kaso laban sa Maute at mga kasabwat nito.

Pero sa halip na sa mga hukuman sa labas ng Mindanao, sa CDO RTC itinalaga ng Korte Suprema ang pagdinig ng mga  kaso.

Iniutos naman ng Supreme Court sa mga nasabing Korte na mabilis na aksyunan ang mga kaso.

Kasabay nito, itinalaga din ng SC ang Court of Appeals Mindanao na naka-base sa Cagayan de Oro para naman dinggin ang mga insidente sa ilalim ng Human Security Act.

Iniutos din ng Supreme Court kay Court Administrator Jose Midas Marquez na makipag-ugnayan sa commanding general ng fourth infantry division sa Camp Evangelista, Patag, Cagayan de Oro City.

Ito ay para sa pagbibigay ng seguridad sa mga court personnel, piskal, abogado at akusado kaugnay sa kaso ng marawi takeover.

Gayundin ang seguridad sa mga detention facilities ng mga akusado na ilalagay din sa loob ng Camp Evangelista pero nasa kontrol at pangangasiwa ng RTC ng CDO.

Ulat ni: Moira Encina

 

 

           

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *