Mga iconic property sa Maynila, hindi dapat ibenta
Hindi umano dapat isama sa ibinebentang asset ang mga iconic na lugar sa Maynila kagaya na lang ng kontrobersyal na Divisoria public market.
Giit ni Manila mayoralty candidate Amado Bagatsing nakakapanghinayang dahil ang Divisoria ay maituturing ng isang landmark sa Pilipinas.
Bilang isang dating mambabatas, ayon kay Bagatsing kung titingnan, maraming butas sa nasabing bentahan ng Divisoria public market kung saan hindi man lang nakonsulta ang stall owners doon.
Bukod rito, naniniwala rin siya na lugi ang lokal na pamahalaan sa naging bentahan.
Nagtataka umano si Bagatsing kung bakit kailangan pang ibenta ang nasabing property gayong batay sa nakuha niyang dokumento mula sa Department of Budget and management, may pumasok na 44 billion pesos sa kaban ng lungsod.
Ang halaga na ito, sobra sobra para ipang ayuda sa mga manilenyo sa buong panahon ng pandemya dulot ng COVID-19.
Kaugnay nito, hinamon din niya ang lokal na pamahalaan ng Maynila na isapubliko kung ano ang iba pang property ng lungsod na ibinenta para umabot sa 44 billion pesos ang pumasok na pera sa kaban ng bayan ng Maynila dahil sa pagbebenta ng mga asset.
Madelyn Villar-Moratillo