Mga Immigration personnel sa NAIA, inalerto dahil sa dumaraming pasahero na gumagamit ng pekeng overseas employment certificates
Inalerto ang mga tauhan ng Bureau of Immigration sa departure counters sa NAIA dahil sa dumaraming bilang ng mga OFWs na gumagamit ng pekeng overseas employment certificate.
Ayon sa BI Travel Control and Enforcement Unit, umabot sa 17 OFWs na mayroong pekeng OECs ang naharang sa NAIA Terminal 1 at 2 noong long holiday.
Bukod sa OECs, peke rin ang Philippine Overseas Employment Administration clearances at pre-departure orientation seminar certificates ng mga biktima.
Gayunman, valid ang kanilang working visas at job contract na ibinigay ng kanilang mga recruiter.
Karamihan sa kanila ay patungo sana sa Dubai, Saudi Arabia at Thailand.
Kaugnay nito, magdaragdag ang BI ng personnel-in-charge sa pre-screening mga dokumento ng mga papaalis na OFWs.
Ang mga pasaherong mayroong kwestyonableng dokumento ay agad na isasalang sa secondary inspection.
Kapag napatunayang peke ang mga papeles ng mga OFWs ay hindi sila papayagang makaalis at iti-turn over sa IACAT para sa imbestigasyon at assistance.
Ulat ni Moira Encina