Mga impormasyon mula sa National ID, hindi maaaring ma-access ng sinuman
Nilinaw ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi maaring ma-access ng sinuman ang impormasyon na lalamanin ng National ID System.
Ayon sa kalihim, sa ilalim ng batas, maari lang itong ma-access ng third parties kung may pahintulot ng may-ari o mayroong court order.
Alinsunod sa Philippine System Identification Act o PhilSys Act, ang lahat ng mga mamamayan at dayuhang residente ay iisyuhan ng official identification card o national ID.
Sinabi ni Guevarra na maiiwasan ang identity theft at mas mahihirapan ang sinuman na gumawa ng krimen at terorismo.
Matutukoy at matutunton din anya ng mas madali ang mga kriminal at law offender dahil sa National ID.
Bukod sa mga ito, makatutulong din aniya ang
National ID sa mas mahusay na pakikipagtransaksyon sa mga ahensya ng gobyerno.
Nakapaloob sa National ID ang Philippine Identification System Number, pangalan, kasarian, blood type, petsa ng kapanganakan, lugar ng kapanganakan, marital status, address at litrato ng taong may hawak nito.
Ulat ni Moira Encina