Mga indibidwal na nagtatrabaho at nananatili sa long-term care facilities sa QC, ipinag-utos na mabakunahan kontra Covid-19
Ipinag-utos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na mabakunahan kontra Covid-19 ang lahat ng indibidwal na nagtatrabaho at naninirahan sa mga long-term care facilities sa lungsod.
Kabilang dito sa mga establisimyentong ito ay ang mga bahay-ampunan, home care facilities, mga kumbento ng simbahang Katoliko, rehabilitation centers at iba pa.
Nauna nang nakatanggap ng mga ulat ang alkalde na ilan sa mga pasilidad na ito ay may mga pumanaw dahil sa Covid-19.
Ayon kay QCESU chief Dr. Rolando Cruz, mayroong 1,027 empleyado sa 13 pasilidad sa lungsod at nasa higit 500 pa sa kanila ang hindi pa nakatatanggap ng bakuna.
Inatasan din ni Belmonte ang Department of the Building Official, Department of the City Architect, at City Engineering Department na magpalabas ng guidelines kung paano mapapaunlad ang infectious disease resiliency sa mga nasabing pasilidad para sa maayos na ventilation ng mga gusali.
Ito ay makatutulony para maiwasan ang pagkalat pa ng Covid-19 virus.