Mga inirekomenda ni dating DOJ Sec Aguirre na maging Deputy State Prosecutor hindi dumaan sa pagbusisi ng Selection and Promotion Board
Hindi raw nasala ng Selection and Promotion Board ng National Prosecution Service ang mga inirekomenda ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kay Pangulong Duterte para sa mga bakanteng posisyon ng Deputy State Prosecutor.
Sa sulat ng Selection and Promotion Board kay Justice Secretary Menardo Guevarra, sinabi na hindi kasama sa napagusapan nila sa kanilang mga pagpupulong noong May 4, 2017, May 11, 2017 at July 2017 ang mga isinumiteng pangalan ni Aguirre sa Pangulo.
Ang mga natalakay anila sa mga deliberasyon ay ang mga aplikasyon para sa piskalya sa Regions 1 hanggang 14 at ang mga aplikante para sa Senior Assistant Prosecutors.
Ayon sa board, taliwas ito sa nilalaman ng sulat ni Aguirre sa pangulo noong February 13, 2018.
Nilinaw pa ng Selection and Promotion Board na ang mga nominado para sa Deputy State Prosecutor ay natalakay lamang at nasala sa kanilang pagpupulong noong October 18, 2017.
Dahil dito, nanawagan ang board kay Gueverra na na maisumite nila ang mga inirekomenda nilang pangalan na dumaan sa kanilang pagbusisi nang maiwasan demoralisasyon sa hanay ng mga piskal.
Ulat ni Moira Encina