Mga inisyatibo ni Vice President Robredo sa paglaban sa COVID-19, hindi binabalewala ng Malakanyang
Welcome sa Malakanyang ang mga inisyatibo ni Vice President Leni Robredo sa laban ng bansa sa pandemya ng COVID-19 na kaniyang inilahad sa kaniyang ulat sa bayan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hindi binabalewala ng administrasyon ang ginawang pagsisikap ni Vice President Robredo sa harap ng hamon ng pandemya.
Ayon kay Roque, anumang kontribusyon kabilang ang policy recommendations mula sa oposisyon para matiyak ang tagumpay laban sa pandemya ng COVID-19 ay kinikilala at ipinagpapasalamat ng Malakanyang.
Inihayag ni Roque ngayon ang panahon para tumutok sa pagtugon sa mga epektong dala ng COVID-19 at tulungan ang gobyerno para makamit ang population protection sa pamamagitan ng mass vaccination program.
Niliwanag ni Roque na kaisa ang administrasyon sa tinuran ng Bise Presidente sa kaniyang ulat sa bayan na ang mga Pilipino mismo ang nagtulungan para isalba ang kapwa Pilipino mula sa hamon ng pandemya.
Iginiit ni Roque mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay taos pusong pinasalamatan ang mga Pilipino na nagtulungan para maibigay ang essential health services, pagkain at maipagpatuloy ang galaw ng ekonomiya kasama na rin ang mga taong nasa likod ng pagpanatili ng peace and order sa mga komunidad habang may pandemya.
Vic Somintac