Mga isda na huli sa illegal fishing, nasabat ng PNP Maritime group, Malabon Police
Walong banyerang isda na hinihinilalang nahuli sa pamamagitan ng dynamite fishing ang nasabat ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) Malabon at PNP Maritime Group bandang 3:40 kaninang umaga.
Ayon sa inisyal na report, ang suspect ay kinilalang si Vicente Barquilla Jr., 44 anyos at residente ng Purok Maganda Palanas, Camarines Norte.
Nahuli ang suspek na nagtitinda ng nasabing mga isda na nahuli sa pamamagitan ng iligal na paraan sa Malabon Fish Port. Tinatayang nasa 400 kilo ng isda ang nasabat na nagkakahalagang P81,000.
Ayon kay P/Col. Ricardo Villanueva, Hepe ng Regional PNP Maritime Group, ang mga Isdang hawak ni Barquilla ay isinailalim sa pagsusuri sa pamamagitan ni Joselito Allan Ventabal, kinatawan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at lumabas sa eksaminasyon na ang mga isda ay nahuli sa pamamagitan ng dinamita.
Sa ngayon hawak na ng PNP Maritime Group ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10654, Sec. 126 o pagbebenta ng iligal na huling isda.
Mark Leo Pernia/ Edison Domingo