Mga kabataan, hinimok na magparehistro sa PhilSys
Hinikayat ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua ang mga kabataan na magparehistro na sa Philippine Identification System (PhilSys) para magkaroon ng kontribusyon sa pag-unlad ng digital economy ng bansa.
Sinabi ni Chua na bago matapos ang 2021, target na mairehistro ang 50 hanggang 70 milyong Filipino sa PhilSys na magbibigay-daan para sa malawakang paggamit ng electronic payments na magpapalago sa digital economy ng bansa.
Naniniwala rin si Chua sa potensyal ng PhilSys na maging isa sa mga pinaka-makabuluhang reporma sa ating bansa.
Hanggang nitong July 2, 2021, nasa 37.2 milyong indibidwal na ang nakapagparehistro para sa step 1 o demographic data collection.
Nasa 16.2 milyon naman ang nakakumpleto na ng kanilang step 2 registration o biometrics capture, at 4.4 million ang nag-apply na ng kanilang bank accounts.
Umaabot naman sa 343,742 registrants ang natanggap na ang kanilang Philippine ID card.