Mga kandidato na nakakuha ng TRO sa Supreme Court hindi parin maihahabol ang pangalan sa balota – Comelec
Hindi parin makakasama sa opisyal na balota na sinisimulan ng ilimbag sa National Printing Office ang mga kandidatong una ng inalis ng Commission on Elections kahit pa makakuha sila ng Temporary Restraining Order sa Korte Suprema.
Paliwanag ni Comelec Spokesperson James Jimenez, kahit nakakuha ng TRO ang mga ito, wala namang sinabi ang Supreme Court na itigil ang pag-imprenta ng mga balota para maisama ang pangalan ng mga ito.
Nang maglabas kasi aniya ng TRO pabor sa mga ito ay tapos na ang balota at isasalang na sa printing.
Ilan sa mga kandidato na ito si Norman Marquez, na tumatakbo sana sa pagka Senador at Wilson Caritero Amad na tumatakbo sana sa pagka bise presidente pero idineklara siyang nuisance candidate ng Comelec.
Pero nagpasaklolo sila sa SC na naglabas naman ng TRO laban sa implementasyon ng Comelec resolution na nagdeklarang nuisance siya at nagkakansela sa kanyang COC.
Maliban sa kanila ilang Partylist group rin ang nakakuha ng TRO sa SC matapos ibasura ng Comelec ang kanilang registration pero ang Laban ng Isang Bayan Para sa Reporma at Oportunidad o LIBRO lang ang nakahabol at nakasama sa listahan sa official ballot.
Ayon kay Jimenez sa ngayon, natapos na ang printing ng 60,000 balota para sa manual local absentee voting, at 79,070 balota para sa manual overseas voting.
Ang nakasalang naman ngayon sa printing ay ang mga balota para sa automated election sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Madz Moratillo