Mga kandidatong hindi sikat at hindi miyembro ng political party, hindi maituturing na nuisance candidates – SC
Hindi sapat na batayan para ideklarang nuisance o panggulo na kandidato ang isang tao na hindi kilala at hindi kasapi ng partido politikal.
Ito ang nakasaad sa 20-pahinang desisyon ng Supreme Court En Banc na pumabor sa bahagi ng petisyon na inihain ni Norman Cordero
Marquez.
Sa petisyon, kinuwestiyon ni Marquez ang resolusyon ng Commission on Elections (COMELEC) na nagdeklara sa kaniya na nuisance candidate at nagkansela sa kaniyang certificate of candidacy (COC) noong May 2022 Elections.
Idineklara ng Comelec ang petitioner na nuisance candidate dahil sa wala sa raw itong totoong kanaisan na tumakbo bunsod ng hindi nito pagiging sikat at kawalan ng suporta ng political party.
Pero sa ruling ng Korte Suprema, sinabi na nakagawa ng ilang pagkakamali ang poll body sa desisyon nito.
Isa na rito ang kabiguan ng Comelec na patunayan na walang tunay na intensyon na kumandidato si Marquez lalo na’t hindi ito ang unang beses na naghain ng COC ang petitioner at mayroon itong program of governance.
Ayon pa sa SC, parang ginawa na lang na popularity contest ang electoral process kung idineklara ang isang kandidato bilang nuisance dahil sa hindi ito sikat.
Pinaalala pa ng SC sa poll body na dapat na hindi mapangapi ang mga patakaran nito sa pagtanggal ng sinasabing nuisance candidates.
Hinimok din ng SC ang Comelec na magpatupad ng practicable plan o timeline sa pagresolba ng mga katulad na kaso.
Ito ay lalo na’t sumasailalim pa sa rebyu ng SC ang mga naturang kaso at ruling ng poll body at kinakailangan ng korte ng sapat na oras upang ito ay mapagpasyahan bago ang araw ng halalan.
Iginagalang naman ni Comelec Chair George Garcia ang desisyon ng SC at naniniwalang hindi dapat talaga idiskuwalipika ang isang kandidato dahil sa hindi ito popular.
Gayunman, naniniwala si Garcia na dapat na rebyuhin ng Kongreso ang nakasaad sa Omnibus Election Code ukol sa nuisance candidates.
Moira Encina