Mga kartera ng PhilPost, binigyang pugay
Kinilala ng Philippine Postal Corporation (PhilPost) ang ilang babaeng kartero o mga kartera ngayong Buwan ng Kababaihan.
Ang pagbibigay-pugay sa mga kartera ay bahagi ng serye ng aktibidad ng PhilPost para ipagdiwang ang National Women’s Month.
Partikular sa pinarangalan ang 11 kartera ng Post Office sa Maynila, Makati City, at Quezon City na nasa 20 taon hanggang 40 taon na sa serbisyo.
Ayon sa PhilPost, kung dati ay pawang mga lalaki ang letter carrier, sa ngayon ay lagpas na sa 100 ang kartera ng Post Office.
Patunay anila ito ng pagkilala sa pantay na karapatan at kakayanan ng babae at lalaking empleyado ng Post Office.
Isa pa sa mga aktibidad ng PhilPost ay ang Stamps Design Contest na bukas sa lahat ng mga kawani ng PhilPost sa buong bansa.
Inilawan din ng kulay purple o lila ang lobby ng Manila Central Post Office bilang hudyat ng pagsisimula ng Women’s Month activities ng PhilPost.
Moira Encina