Mga kasabwat sa Pilipinas ng surrogacy scheme sa Cambodia, kakasuhan ng DOJ
Pinag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso laban sa mga kasabwat ng surrogacy scheme sa Cambodia na nasa Pilipinas.
Una nang iniulat ng Department of Foreign Affairs at ng Embahada ng Pilipinas sa Phnom Penh, na 20 Pilipinang biktima na ang 13 ay nagdadalang-tao, ang nasagip noong Setyembre ng Cambodian police.
Ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano, lumalabas na may mga kasabwat sa Pilipinas ang mga nasa likod ng surrogacy scheme, kaya sasampahan sila sa bansa ng kasong human trafficking.
Pero posible rin aniyang sa Cambodia rin ihain ang mga kaso laban sa mga nasa likod ng recruitment ng mga Pinay para maging surrogate mothers.
Ayon kay Clavano, “Sa tingin po natin yung recruitment nangyari sa Pilipinas pero nag-continue po crime doon sa Cambodia. So given the state of victims especially that they are pregnant, we will see if it’s also possible doon na lang natin i-file sa Cambodia. However, of course dahil ‘yung mga victim sa situation na ito ay mga Pilipino we would prefer na dito mangyari ang kaso. There are indicators that say na mayroong kasabwat dito sa Pilipinas, na ‘yun po ‘yung perpetrators na kakasuhan natin dito sa Piliipinas.”
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nangyari aniya ang recruitment sa mga biktima online. Pero hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan at nasyonalidad ng recruiters.
Tiniyak ni Clavano na magkakaroon ng hiwalay na imbestigasyon at case build up sa bansa para matukoy at mahuli ang mga tumulong sa mga sindikato.
Aniya, “We want to make sure na ma-repatriate agad-agad sila para ma-interview natin sila. They can execute their affidavits so we can proceed with the case build-up.”
Moira Encina – Cruz