Mga kasalukuyan at dating opisyal ng gobyerno, kasama sa mga posibleng kasuhan ng DOJ kaugnay sa malawakang smuggling ng sibuyas at iba pang agricultural products
May inisyal ng pangalan ng mga indibiduwal ang DOJ na posibleng kasuhan kaugnay sa malawakang smuggling at hoarding ng mga produktong agrikultura.
Ito ang sinabi ng DOJ matapos ang pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos na bilang na ang araw ng smugglers at hoarders sa bansa.
Kasama sa mga ito ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan.
“Pandaraya ang kanilang ginagawa. Napapahamak hindi lamang ang mga magsasaka, kundi tayo na ring mga mamimili. Kaya hindi natin papayagan ang ganitong kalakaran. Bilang na ang mga araw ng mga smugglers at hoarders na ‘yan.” babala ng Pangulo.
Kasunod ng babala ni Pangulong Bongbong Marcos Jr laban sa smugglers at hoarders ng agricultural products na dahilan ng pagsipa ng presyo ng mga ito sa merkado …
Sinabi ng DOJ na tuluy-tuloy ang fact -finding investigation nito laban sa mga indibiduwal o grupo na nasa likod ng malawakang smuggling ng sibuyas, bawang at iba pang katulad na commodities.
Una nang bumuo ang kagawaran ng task force na tututok sa imbestigasyon at prosekusyon laban sa mga dawit sa smuggling ng mga produktong pang agrikultura.
“Malalim na ang intelligence namin dyan sa nangyayari sa onion garlic rings, we will still be validating a few more facts we will be calling the govt agencies involved in the regulatory process to give us necessary document so that our database will be complete when we go around against these indivduals” paliwanag ni Secretary Remulla.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, may hinala sila na may mga sangkot na dati at kasalukuyang opisyal ng gobyerno kaya nakalulusot ang smugglers
Aniya May ilang indibiduwal na silang tinitingan mula sa pamahalaan na maaaring may kinalaman kaya naiisahan ng mga sindikato ang mamamayan.
“Dun nating sisimulan sa sarili nating bakuran di lang tayo turu nang turo sa iba dapat alam natin kung sino sino sa bakuran natin gumagalaw na marahil.ay di naaayon sa interes ng bayan” pahayag pa ng kalihim.
Kabilang sa mga posibleng dawit aniya ay mula sa Bureau of Customs, Bureau of Plant Industry at iba’t ibang tanggapan sa ilalim ng Kagawaran ng Agrikultura.
Ayon sa kalihim, maaaring abutin ng isa hanggang dalawang buwan ang fact finding investigation kaya hindi sila agad makapagsasampa ng kaso.
Pero tiniyak ni Remulla na walang sisinuhin ang DOJ sa mga kakasuhan kaugnay sa smuggling.
“Hindi ganyang kabilis yan pagaaralan muna natin within the next two weeks yung fact finding natin but pwedeng abutin ng isa, dalawang buwan mamadaliin natin ang pwede madaliin hindi tayo pwedeng padalos dalos dito dagdag pa ni Remulla.
Moira Enicna