Mga kaso ng extra legal killings, naaaksyunan –DOJ
Gumagana ang mga institusyon at mekanismo ng pamahalaan upang matugunan ang mga kaso ng extra legal killings sa bansa.
Sinabi ni Justice Undersecretary Jesse Andres na tila ang isa sa mga rason kaya nais ng International Criminal Court na imbestigahan ang drug war killings ay ang pananaw nito na hindi gumagana ang institutional measures ng bansa para matugunan ang mga katulad na kaso.
Pero iginiit ni Andres na batay sa datos ay mahusay na naaaksyunan ng iba’t ibang institusyon at ahensya ng gobyerno ng bansa ang lahat ng mga kaso gaya ng extra legal killings na nakasampa sa mga korte.
Nagagampanan aniya ng piskalya, DOJ, law enforcement agencies, at mga hukuman ang trabaho nito para mapanagot ang mga salarin sa extra legal killings.
Katunayan aniya ay may conviction o hatol na mula sa korte ang ilang kaso ng pagpatay na kinasasangkutan ng mga uniformed personnel.
Ang pinakahuli aniya sa mga nahatulang guilty sa mga kasong murder ay ang 18 unipormadong alagad ng batas.
Ang mga kaso ay may kaugnayan sa mga insidente ng pagpaslang sa NCR, Agusan del Sur, Western Mindanao, Zamboanga del Norte, CARAGA, at MIMAROPA.
Nilinaw pa ng DOJ na marami sa mga sangkot sa extra legal killings ay mga armado at teroristang grupo at iba pang lawless elements at hindi mga alagad ng batas.
Ang nagiging problema lang anila sa ibang mga kaso ay walang mga testigo o ebidensya kaya hindi ito nauusig sa hukuman.
Moira Encina