Mga kaso ng leptospirosis at dengue, tumaas matapos ang pananalasa ng bagyong Carina at Habagat – DOH
Dalawang linggo makalipas ang pananalasa ng bagyong Carina at Habagat na nagdulot ng pagbaha sa maraming lugar, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng pagtaas ng kaso ng leptospirosis.
Sa datos ng DOH, mula Hulyo 14 hanggang 27, nakapagtala ng 67 kaso ng Leptospirosis sa bansa.
Ayon sa DOH, maaari pang madagdagan ito lalo na’t ang incubation period ng Leptospirosis ay mula 2 hanggang 30 araw matapos ang exposure sa baha.
Sa monitoring ng DOH, mula Enero hanggang Hulyo 27, nasa 1,444 na ang kaso ng leptospirosis sa bansa, mas mababa maman ito ng 42% sa naitalang 2,505 cases sa parehong panahon noong nakaraang taon. May 162 naman ang nasawi ngayong taon dahil sa sakit.
Nagpaalala naman ang DOH na naka-freeze ang presyo ng Doxycycline, gamot sa leptospirosis hanggang sa September 23. May libreng gamot din na ibinibigay sa mga health center at public hospitals.
Samantala, tumaas naman ang kaso ng Dengue. Sa monitoring ng DOH hanggang Hulyo 27, umabot na sa 128,834 ang naitalang kaso ng Dengue, mas mataas ng 33% sa 97,211 noong nakaraang taon.
Sa nakalipas na 6 na linggo, nakitaan ng pagtaas ng dengue cases sa Western Visayas, Central Visayas, Cagayan Valley, at CALABARZON.
Madz Villar-Moratillo