Mga kaso nina Sen. Leila De Lima at Maria Ressa, dapat ipaubaya sa mga Korte – DOJ
Dapat ipaubaya sa mga awtoridad sa Hudikatura ang pagpapasya sa mga kaso laban kina Senador Leila de Lima at Rappler CEO Maria Ressa.
Ito ang sagot ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa panawagan ni UN Special Rapporteur Agnes Callamard na dapat palayain na si De Lima at ibasura ang mga kaso laban kay Ressa.
Sinabi ni Guevarra na gumagana nang normal ang mga korte sa bansa kaya dapat ipaubaya sa mga hukom ang pagresolba sa mga kaso nina De Lima at Ressa.
Si De Lima ay nahaharap sa mga kasong iligal na droga kaugnay sa sinasabing pagkakasangkot nito sa illegal drug trade sa Bilibid habang si Ressa ay may kinakaharap na Cyberlibel at Tax cases.
Sa isang online forum, sinabi ni Callamard na dapat patunayan ng Justice Sector ng Pilipinas ang pagiging tapat nito sa Saligang Batas at Rule of Law kasabay ng panawagan na palayain si De Lima at ilaglag ang mga kaso laban kay Ressa.
SOJ Menardo Guevarra:
“Our Courts of Law are functioning normally. Let’s leave it to our Judicial authorities to resolve these cases on the merits”.
Moira Encina