Mga kasong murder laban kay Cong. Teves, target maisampa ng NBI sa susunod na linggo
Umaasa si Justice Secretary Crispin Remulla na sa susunod na linggo ay maihain na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang mga reklamong murder laban kay suspended Congressman Arnolfo Teves Jr. dahil sa Degamo killing at Pamplona massacre.
Sinabi ni Remulla na mga kasong multiple murder at multiple frustrated murder ang ilan sa mga ipaghaharap na reklamo laban kay Teves.
Sa sandaling maihain ng NBI ang reklamo, sinabi ni Remulla na magpapadala ang DOJ ng notice sa last known address at sa lugar ng trabaho ng Kongresista na nasa ibang bansa pa rin ngayon.
Ayon sa kalihim, matutunton naman ng mga otoridad si Teves sa abroad kung kinakailangan.
Si Teves ay sinasabing nagpapabalik-balik sa pagitan ng Cambodia at South Korea.
Aminado si Remulla na mahihirapan pa rin na mapauwi ng bansa si Teves lalo na’t madami itong nakamal na pera mula sa iligal na pagsusugal.
Moira Encina