Mga kawani at opisyal ng gobyerno dapat na bigyan ng pagkakataon na itama ang mga mali sa SALN

Dapat umanong bigyan ng oportunidad ang mga kawani at opisyal ng pamahalaan na itama ang mga pagkakamali at pagkukulang ng mga ito sa Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).

Ito ay batay sa desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ng dating empleyado ng Department of Finance (DOF) na si Jessie Javier Carlos na sinibak dahil sa hindi pagdeklara sa SALN nito ng ilan sa kaniyang mga ari-arian.

Ayon sa ruling ng Supreme Court, hindi dapat na papanagutin ang petitioner sa mga ommission o error sa SALN nito nang dahil sa kabiguan ng gobyerno na sundin ang review and compliance procedure na nakasaad sa Section 10 ng RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Sinabi ng SC na nakalagay sa nasabing probisyon ang mekanismo para sa pagrebyu at pagtama ng mga pagkakamali sa SALN tulad ng kabiguang ipasa ito sa oras, hindi kumpletong SALN at depektibong SALN.

Binigyang-diin ng SC na mandatory ang review at compliance mechanism.

Alinsunod sa panuntunan, may limang araw ang pamunuan ng tanggapan na ipaalam sa opisyal o kawani ang mga mali sa SALN nito at bigyan ang empleyado ng 30 araw para ito makatugon.

Sa oras umano na matapos ang 30-day period at hindi pa rin nakapagpasa ng tamang SALN ang empleyado ay saka lamang ito puwedeng patawan ng disciplinary action.

Nilinaw ng Korte Suprema na hindi nito tino-tolerate ang pagtatago ng nakaw na yaman.

Ayon sa SC, sa oras na mabigyan ng pagkakataon ang mga tauhan ng gobyerno na itama, kumpletuhin at isumite ang SALNs pero nabigo pa rin ang mga ito ay maaari na silang papanagutin.

Kaugnay nito, binaligtad at ipinawalang-bisa ng SC ang ruling ng Court of Appeals na naghatol sa petitioner ng dishonesty at nagpataw dito ng parusang dismissal.

Si Javier ang sinasabi na namaril at nagsunog sa Resorts World sa Pasay City noong 2017 na ikinasawi nito at ng 40 iba pa.

Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *