Mga kawani ng BID pinagbawalang magbigay ng VIP treatment sa mga pasahero sa NAIA at iba pang international airports
Pinagbabawalan na ang mga kawani ng Bureau of Immigration na magbigay ng VIP treatment sa mga pasahero sa NAIA at iba pang international airports.
Ipinagutos ni Immigration Commissioner Jaime Morente na itigil ng mga BI personnel ang pag-escort at pangangasiwa sa mga padating at paalis na pasahero, personal man o sa pamamagitan ng text o telepono, na ang layon ay mapabilis ang pagproseso ng kanilang dokumento sa mga immigration counter.
Pinaalala ng opisyal na mga empleyado ng BI na naka-duty at iyong mga may travel order ang papayagang manatili sa mga international port of entry.
Nagbabala si Morente na mahigpit na ipatutupad at didisiplinahin ang susuway sa patakaran na nagbabawal sa mga hindi otorisadong indibidwal na magtungo sa mga immigration area sa lahat ng mga international airport.
Ang direktiba ay ginawa ngBI Chief makaraang makatanggap ng report na isang kilalang personalidad na dumating noong Lunes mula sa Bangkok, Thailand sa NAIA ang nakitang ineskortan ng isang retiradong pulis na may suot na pass mula sa NAIA pass control office patungo sa immigration counter sa NAIA terminal.
Ulat ni: Moira Encina