Mga kawani ng hudikatura kabilang na rin sa A4 priority population ng COVID-19 Vaccination Program
Kinumpirma ng Korte Suprema na kasama na rin ang mga empleyado ng hudikatura sa priority list ng gobyerno sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Sa sulat ni Acting Chief Justice Estela Perlas- Bernabe sa kanyang mga kasamahan sa hudikatura, sinabi na pumayag ang National Task Force Against COVID-19 (NTF) sa kahilingan nito na mapabilang sa A4 priority population ang mga mahistrado, hukom, at court personnel ng Korte Suprema, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals, at mga trial courts.
Kasama ng judiciary employees sa A4 priority group ang mga uniformed personnel, local officials, at mga nasa essential sector.
Ayon kay Bernabe, binanggit ng NTF na ang bahagi ng mga bakuna na darating sa bansa ngayong Abril ay ilalaan sa judiciary personnel.
Kaugnay nito, inihayag ni Bernabe na kanilang nang bubuuin ang mga detalye ng vaccination plan para agad ding masimulan ang pagbabakuna sa mga nasa hudikatura.
Binanggit anya sa letter-request ng hudikatura sa NTF na ang mga kawani ng hudikatura ay frontline government workers sa justice sector at mahalaga ang kanilang gampanin sa lahat ng pagkakataon lalo na sa panahon ng pandemya.
Ayon pa sa letter-request, bilang isa sa limang pillars ng criminal justice system ang mga judiciary personnel ay dapat na ituring na mga manggagawa sa essential public sector.
Moira Encina