Mga kawani ng Korte Suprema, balik-opisina na lahat simula sa Lunes, Nob. 22
Obligadong nang magtrabaho on-site simula sa Lunes, Nobyembre 22 ang lahat ng mga empleyado ng Korte Suprema.
Ito ay matapos ilagay sa Alert Level 2 ang Metro Manila hanggang sa Nobyembre 30 kung saan kailangan na fully operational ang mga tanggapan ng pamahalaan.
Sa memorandum order na inisyu ni Chief Justice Alexander Gesmundo, sinabi na magpapatupad ang Supreme Court ng flexible working schedule o shifting para maobserba ang physical distancing.
Kalahati ng bilang ng mga court personnel ay papasok sa opisina mula Lunes hanggang Miyerkules habang ang nalalabing tauhan ay mula Huwebes hanggang Sabado.
Ang dalawang araw na wala sa tanggapan ng SC ay ipapasok ng kawani sa pamamagitan ng work from home arrangement para makumpleto ang mandatory 40-hour work week.
Susuriin naman na mabuti ang kalagayan ng kalusugan ng mga empleyado na papasok at wala dapat silang anumang sintomas ng COVID-19.
Samantala, limitado pa rin ang personal filing sa Korte Suprema sa initiatory pleadings gaya ng petitions for review.
Ang iba pang pleading at court submission ay dapat ihain sa pamamagitan ng electronic filing.
Moira Encina