Mga kinatawan ng Kuwait, magtutungo sa Pilipinas para makipag-negosasyon sa isyu ng Labor Protection

 

Itutuloy bukas ng Pilipinas at Kuwait ang negosasyon para sa inilatag na Labor protection ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs.

Kaugnay ito ng kaso ng pagmaltrato at pagpatay sa Pinay worker na si Joanna Demafelis na inilagay sa freezer ng kaniyang amo at pagkamatay ng halos 200 OFWs sa loob lamang ng dalawang taon sa Kuwait.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, darating bukas ang 8- member Kuwaiti delegation para pag-usapan ang inilatag “Agreement on Domestic Workers’ Recruitment, Employment, and Protection sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.

Sabi ni Cayetano, inatasan sila ni Pangulong Duterte na maging maingat sa negosasyon at paglagda sa kasunduan.

Ang naturang kasunduan aniya ay dapat iba sa mga kasunduang nilagdaan ng Pilipinas sa iba pang mga bansa at tiyaking susundin ng Kuwaiti government o mga mamamayan nito ang mga kundisyon na inilatag ng Pilipinas para hindi na maulit ang pagmamaltrato at pang-aabuso lalo na sa mga domestic workers.

“President Duterte wants this agreement to be different from the other agreements we signed with other countries by making sure that whatever is written there will translate into real, actionable measures that will protect our kababayans from exploitation and abuse”.- Secretary Cayetano

Nauna nang sinabi ni Cayetano na nagbigay na ng commitment ang kuwait pero hindi pa lumalagda sa inilatag nilang mga kundisyon gaya ng itataas sa 120 KWD ang kanilang sahod, papayagang matulog ng walong oras kada araw, ipapahawak ang kanilang mga travel documents at mobile phones at lilimitahan ang kanilang trabaho sa isang pamilya.

Oobligahin rin ng Department of Foreign Affairs o DFA at Department of Labor and Employment o DOLE ang Kuwaiti government na ideposito sa bank account ng mga pinoy workers ang kanilang buwanang sweldo.

Kung susunod aniya ang Kuwaiti government saka lamang aalisin ng Pilipinas ang deployment ban sa Kuwait.

 

Ulat ni Meanne Corvera

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *