Mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan nagbigay na ng abiso sa mga residente ng Northern Luzon kaugnay ng banta ng North Korea na missile attack sa Guam
Nag-abiso na ang Office of the Civil Defense o OCD sa mga residente ng Northern Luzon sa posibleng epekto ng bantang pag-atake ng North Korea sa Guam.
Sinabi ni OCD Deputy Administrator Assistant Secretary Kristoffer James Purisima nakamonitor ang gobyerno sa mga developments sa tensiyon sa Korean Peninsula.
Ayon kay Purisima nakikipag-ugnayan na ang OCD sa mga local officials sa Northern Luzon para sa mga contingency measures sakaling totohanin ng Pyongyang ang missile attack sa Guam na isang US territory sa Pacific Ocean.
Kaugnay nito inihayag ni AFP Spokesman Restituto Padilla sa Minadanao hour sa Malakanyang na maliit lamang ang epekto sa Pilipinas ng missile attack ng North Korea sa Guam.
Inihayag ni Padilla sakaling sumabog sa himpapawid ang North Korean missile mga debris o labi ang maaring bumagsak sa ilang lugar sa Northern Luzon.
Niliwanag ni Padilla na mas kinakatakutan ng Pilipinas ang missile test noon ng North Korea sa Pacific Ocean dahil ang trajectory nito ay dumaan sa airspace ng bansa.
Samantala wala namang nakikita ang Armed Forces of the Philippines o AFP sa report na pumasok sa teritorial water ng bansa sa Mischief Reef malapit sa Palawan ang US Destroyer warship dahil ito ay pinahihintulutan sa ilalim ng prinsiyo ng freedom of navigation at innocent passage.
Ang tensiyon sa Korean Peninsula ay lalong umiinit dahil sa palitan ng maaanghang na salita ng mga opisyal ng North Korea at Amerika.
Ulat ni: Vic Somintac