Mga komunidad at barangay, hinikayat magtayo ng Munting Aklatan para sa mga kabataang hindi makabili ng mga aklat
Mga batang mahihirap na walang kakayanan ang mga magulang na ibili sila ng mga aklat ang target ng organisasyong Books for a Cause na nagsimula pitong taon na ang nakalilipas.
Sa panayam ng programang Usapang Pagbabago, sinabi ni Ramil Sumangil, founder ng Books for a Cause o BFAC .
Layon din ng pagtatatag ng nasabing organisasyon ang mga komunidad, mga Public schools at mga Out of School youth, mga remote areas o mga highly-depressed areas upang maipaabot ang mga aklat sa mga kabataan.
Lalung-lalu na ang mga lugar na hindi pa naaabot ng teknolohiya.
Kasabay nito, nanawagan si Sumangil sa mga taong may mga aklat o libro o kaya’y mga magazine na hindi na ginagamit na i-donate na lamang sa kanila ang mga ito upang mapakinabangan ng mga batang nangangailangan.
Bukod dito, hinikayat rin ng Books for a Cause organization ang mga komunidad o barangay na magtayo ng maliit na aklatan o library sa kanilang lugar kahit ito ay simpleng book shelves lamang upang makatulong hindi lamang sa mga kabataan kundi pati na rin sa mga matatanda gaya ng mga tricycle drivers na habang naghihintay ng pamamasada ay nadaragdagan ang karunungan sa pamamagitan ng pagbabasa.
Ang nasabing proyekto na tinawag nilang Munting Aklatan ay kanilang sinimulan sa ilang mga lalawigan at komunidad at naging matagumpay naman sa lalawigan ng Ifugao.
“Meron na po tayong 150 Munting Aklatan nationwide. So nakatayo po ito sa mga paradahan ng tricycle, sa lobby ng mga ospital o kaya sa mga Daycare centers o kaya sa mga Barangay. Ito’y ginawa natin para sa mga hindi nakakapasok sa mga library, gaya ng mga tricycle drivers at sobrang busy sa kanilang mga pamamasada, habang naghihintay ng kanilang mga pasahero ay nagbabasa muna”.