Mga kondisyon sa kulungan ng PDLS, inaasahang maisasa-ayos ng binubuong writ of kalayaan ng SC
Patuloy na nirerepaso ng Korte Suprema ang mga panuntunan sa panukalang writ of kalayaan.
Sa panunumpa ng mga bagong miyembro ng Integrated Bar of the Philippines Caloocan- Malabon- Navotas Chapter, sinabi ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, na ang writ of kalayaan ay extraordinary remedies para sa inmates na nilikha sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Supreme Court na bumuo ng rules para sa proteksyon ng karapatan ng mga mamamayan.
Ayon kay Leonen, layon ng writ of kalayaan na maprotektahan ang mga karapatan ng PDLs sa buhay at kalusugan at karapatan laban sa hindi makataong parusa.
Umaasa ang mahistrado na sa pamamagitan ng writ of kalayaan ay maiwawasto ang kalagayan sa kulungan at sa pagtrato sa PDLs, at hindi lamang ang isyu ng siksikan sa mga piitan.
Magreresulta aniya ang writ of kalayaan ng court-monitored continuing order, na nag-uutos sa mga pamunuan ng kulungan na maiwasto ang mga malupit at hindi makataong kondisyon sa pagkakakulong.
Kapag hindi aniya ito nasunod sa ibinigay na panahon, ay palalayain ang PDLs hanggang makamit ang makataong kondisyon sa bilangguan.
Sinabi ni Leonen, na nasa proseso na ang technical working group ng pagkonsulta sa lahat ng stakeholders at pagrebyu sa panukala.
Moira Encina