Mga Korte sa buong bansa, full operations na mula ngayong araw
Full operations na muli ang mga Hukuman sa buong bansa simula ngayong June 1.
Ito ay matapos isailalim na sa General Community Quarantine ang maraming parte ng bansa.
Sa Administrative Circular na pirmado ni Chief Justice Diosdado Peralta, ang pasok ng mga kawani sa mga Korte sa NCR ay mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:30 ng hapon at para naman sa mga Hukuman sa Regions 1 hanggang 12 ay mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes.
Pero suspendido pa rin sa panahon ng GCQ ang Saturday at Night courts at Flag raising at Retreat ceremonies.
Pinapayagan pa rin ang skeleton-staff at work from home dahil sa limitado pa rin ang operasyon ng Mass Transportation sa bansa.
Maaari pa rin na isampa electronically o sa pamamagitan ng email ang mga pleadings at petisyon sa mga kasong kriminal at sibil bukod sa manual filing.
Tuluy- tuloy pa rin ang raffle ng mga kaso pero di na itong pwedeng isagawa sa pamamagitan ng video conferencing.
Para sa mga in-court hearings, mahigpit na ibinibilin ang pagsunod sa mga Health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, non contact thermal scanning at physical distancing.
Ulat ni Moira Encina