Mga korte sa Davao City Hall of Justice, pisikal na sarado hanggang sa October 31 matapos magpositibo sa Covid-19 ang 10 kawani
Naka-lockdown ang mga hukuman sa Davao City Hall of Justice at Candelaria Building hanggang sa October 31.
Sa memorandum ng Office of the Court Administrator, pinayagan ang kahilingan ng liderato ng Davao City RTC na pisikal na isara ang lahat ng korte sa mga nasabing gusali matapos magpositibo sa Covid-19 ang 10 empleyado ng Municipal Trial Court in Cities Branch 3.
Sumailalim na sa swab testing ang lahat ng kawani ng MTCC Branch 3.
Inumpisahan na rin ng Davao City Health Office ang contact tracing sa mga empleyado ng Hall of Justice, at mga litigants at abogado na maaaring nakasalamuha ng mga nagpositibong tauhan.
Isasailalim din sa decontamination ang mga gusali alinsunod na rin sa rekomendasyon ng City Health Office.
Tuloy naman ang operasyon ng mga hukuman sa pamamagitan ng kanilang hotlines at email addresses.
Work from home din muna pansamantala ang mga court personnel habang lockdown.
Kaugnay nito, inotorisa ng Korte Suprema ang lahat ng Presiding Judges ng mga hukuman sa Hall of Justice at Candelaria Building na magsagawa ng videoconferencing hearings mula sa kanilang tahanan sa buong quarantine period.
Moira Encina