Mga korte sa labas ng NCR na nasa ilalim ng ECQ at MECQ, dapat magsagawa ng videoconferencing hearings sa lahat ng kaso
Inatasan rin ng Korte Suprema ang mga hukuman na nasa labas ng Metro Manila na nasa ilalim ng ECQ at MECQ na patuloy na magsagawa ng videoconferencing hearings sa lahat ng kaso urgent man o hindi.
Sa sirkular na inisyu ni Court Administrator Jose Midas Marquez, sinabi na mananatiling pisikal na sarado ang mga korte sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ at MECQ.
Gayunman, dapat patuloy itong mag-operate at magsagawa ng mga pagdinig sa pamamagitan ng videoconferencing sa lahat ng mga kaso.
Ito ay para hindi maantala ang mga paglilitis ng kaso at court processes.
Para sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ with or without heightened restrictions kung saan pisikal na bukas ang mga hukuman, hinihimok ang mga judge na i-maximize ang videoconferencing hearings.
Pinapayuhan din ang mga hukom na iwasan na obligahin ang mga partido na humarap ng pisikal sa korte.
Ito ay maliban na lamang sa mga kaso na kinakailangan ang personal na pagharap ng partido o testigo.
Moira Encina