Mga korte sa NCR maliban sa SC, pisikal na sarado pa rin hanggang sa Setyembre 30
Mananatiling pisikal na sarado ang mga hukuman sa Metro Manila maliban sa Korte Suprema hanggang sa katapusan ng Setyembre.
Ito ay kahit niluwagan na ang community quarantine at isasailalim na ang Metro Manila sa GCQ simula sa September 8.
Ayon sa sirkular na inisyu ni Court Administrator Jose Midas Marquez, ito ay alinsunod sa kautusan ni Chief Justice Alexander Gesmundo bunsod pa rin ng patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ikinonsidera rin ng Supreme Court ang pilot-testing ng panukalang localized o granular lockdown sa NCR.
Gayunman, patuloy ang operasyon ng mga NCR courts online at ang pagsasagawa ng videoconferencing hearings ng mga nakabinbing kaso urgent man o hindi.
Ayon sa SC, ito ay para hindi ma-delay ang paglilitis ng mga kaso at court processes.
Maaaring ma-contact ang mga hukuman sa pamamagitan ng kanilang official hotlines at email addresses na makikita sa website ng Korte Suprema.
Suspendido pa rin ang filing at service ng mga pleadings at mosyon at magpapatuloy lang pitong araw matapos ang unang araw ng pisikal na pagbubukas ng korte.
Ang mga essential judicial offices naman ay kailangan na may skeleton staff para makatugon sa lahat ng urgent matters.
Moira Encina