Mga kulungan ng Bureau of Corrections sa mga lugar na apektado ng Bagyong Rolly, walang seryosong pinsala
Minor lamang ang epekto ng Bagyong Rolly sa mga operasyon at pasilidad ng mga kulungan na nasa ilalim ng Bureau of Corrections.
Ito ay batay sa pinakahuling damage assessment reports na natanggap ng BuCor mula sa ibat-ibang security camps at regional prisons nito sa bansa.
Ayon sa BuCor PIO, karamihan sa mga pinsala ay ang mga nagtumbahang puno sa mga access roads pero agad na rin itong naalis ng mga otoridad.
Sinabi ng kawanihan na wala ring napaulat na seryosong sira sa mga gusali at electric power facility sa BuCor.
Hindi rin napinsala ang mga tanim at mga livestock sa penal colonies ng BuCor.
Tiniyak din ng BuCor na ligtas sa loob ng kanilang mga gusali ang mga inmates at katuwang sa paglilinis sa mga kalat at debris dala ng bagyo
Nakatulong daw ang mga precautionary measures gaya ng pagsasaayos at pagpapatibay sa mga bubong at mga bintana kaya naiwasan ang malubhang pinsala sa mga kulungan.
Gayundin, ang maagang paghahanda at pagoorganisa ng BuCor ng mga rescue teams.
Nakipagugnayan din ang BuCor sa PNP at LGUs bago pa man dumating ang bagyo.
Una na ring inilagay sa red alert status ang BuCor para sa pagtugon sa mga posibleng maganap sa pananalasa ng bagyong Rolly.
Moira Encina