Mga kumpanya na nagpapasok ng mga empleyadong positibo sa COVID-19 , binabalaan ng Malakanyang
Winarningan ng Malakanyang ang mga kumpanya na nagpapapasok ng mga empleyado na mayroong COVID-19.
Itoy matapos makarating sa Palasyo ang report na isang courier company sa Pasay City ang nag-oobliga sa mga empleyado na COVID-19 positive na pumasok sa trabaho.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na mahaharap sa kasong paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Deseases and Public Health Concern Act ang kompanya na magpapapasok ng manggagawang COVID-19 positive.
Ayon kay Nograles mananagot ang pamunuan ng kumpanya na hindi sumusunod sa batas at sa patakaran na ipinatutupad ng Inter Agency Task Force o IATF.
Inihayag ni Nograles maaaring makansela ang business permit ng mga kumpanya na nagpapapasok ng mga empleyado na may nakakahawang sakit.
Vic Somintac