Mga kwestyunableng desisyon at utos ni Chief Justice Sereno ipinabubusisi ng isang mahistrado ng Supreme Court
Dapat silipin ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang mga kwestyunableng desisyon at kautusan ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno nang walang pahintulot ng Supreme Court En Banc.
Ito ang rekomendasyon ni Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro sa kanyang limang pahinang memorandum.
Kinuwestiyon din ni de Castro ang pagtatalaga ni Sereno kay Atty. Brenda Jay Mendoza bilang pinuno ng Philippine Mediation Center ng Philippine Judicial Academy o PHILJA at ang pag-apruba nito sa travel allowance ng mga myembro ng Office of the Chief Justice na bumiyahe sa ibang bansa nang wala ring pahintulot ng en banc.
Pinuna din ni de Castro ang napakatagal na pag-aksyon ni Sereno sa mga bakanteng posisyon sa hudikatura kabilang na ang mauupo para sa Deputy Clerk of Court, Chief Attorney at Assistant Court Administrators na ilang taon ng bakante.
Nais din ni de Castro na igiit ng en banc ang kanilang kapangyarihan sa ilalim ng konstitusyon at silipin ang pagkakatalaga kay Atty. Mendoza bilang hepe ng Philippine Mediation Center.
Dapat din aniyang tiyakin na bago mapagkalooban ng travel allowance ang mga bumibyaheng opisyal at kawani ng korte, dapat ito ay may pagsang-ayon ng SC en banc.
Ulat ni: Moira Encina