Mga LGU, pinaghahanda sa magiging epekto ng La Niña sa gitna ng Covid-19 Pandemic
Pinatitiyak ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan ang kahandaan sa panahon ng La Niña.
Nauna nang ipinahayag ng PAGASA na posibleng magsimula ang La Niña mula Oktubre ngayong taon hanggang sa unang bahagi ng 2022.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, habang maaga ay dapat nang makipag-ugnayan ang mga LGU sa local health officers para matiyak ang kapasidad ng mga pasilidad gaya ng mga evacuation center, vaccination center at mga ospital lalu na ngayong may Pandemya ng Covid-19.
Maliban dito, kailangang makipag-ugnayan na ang mga LGU sa kani-kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Councils, magsagawa na ng pre-disaster risk assessment upang maging updated sa local contingency plans para sa Hydrometeorological Hazards.
Samantala, pinaalalahanan din ng DILG ang LGU na makipag-ugnayan din sa iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng PAGASA at Department of Science and Technology (DOST) Regional Offices para sa Early Warning systems ganundin sa mga kinauukulang ahensiya gaya ng Department of Environment and Natural Resources – Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB), at ang Department of Health (DOH).