LGUs, pinapaghahanda ng Office of Civil Defense
Matapos manalasa ang bagyong Pepito sa Northern Luzon inalerto at pinaalalahan ng Office of Civil Defense o OCD ang lahat ng Local Government Units o LGUs sa inaasahang malalakas na bagyong posibleng papasok sa bansa bago matapos ang taon.
Sa laging handa public briefing sinabi ni OCD Assistant Secretary Casiano Monilla na may lima hanggang walong bagyo pa ang inaasahang papasok sa Pilipinas hanggang sa pagtatapos ng taong kasalukuyan.
Dalawa aniya sa mga bagyong ito ay inaasahang magiging mapaminsala o malalakas.
Ayon kay Monilla, batay sa tala ng OCD sa ikaapat na quarter ng taon karamihan sa mga bagyo na pumapasok sa bansa ay malalakas.
Inihayag ni Monilla patuloy na nagpapaalala ang OCD sa mga local chief executive na maghanda ng pasilidad na pwedeng gawing evacuation centers na bukod sa mga ginagamit na isolation facility para sa mga tinatamaan ng covid 19 sa kanilang nasasakupan.
Tiniyak ni Monilla na tuloy tuloy ang pagtulong ng OCD sa mga lokalidad na apektado ng bagyo sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga relief goods at non food items katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Samantala kinumpirma ni Monilla sa inisyal na report na natanggap ng OCD mayroon pang mga pagbaha sa Pampanga at region 2 dahil sa ilang araw na tuloy tuloy na malalakas na pag ulan sa CALABARZON ay naitala ang 1,790 pamilyang apektado ng bagyong Pepito mula sa 64 na mga barangay, 171 pamilya sa Cagayan Valley, 168 sa Isabela.
Vic Somintac