Mga librong akda ng mga Pilipinong awtor, tampok sa all-Pinoy book fair sa Pasay City
Para sa mga mahilig sa pagbabasa at naghahanap ng iba’t ibang klase ng libro na akda ng mga Pilipino, bukas na ang apat na araw na all Pinoy book fair sa lungsod ng Pasay.
Ito ay ang Philippine Book Festival na inorganisa ng National Book Development Board (NBD).
Tampok sa book fair ang mga libro, babasahin at iba pang panitikan na isinulat at nilikha ng mga Pilipinong manunulat na mabibili sa mas murang halaga.
Ayon kay NBDB Chairperson Dante “Klink” Ang II, layon ng book fair na mas maisulong ang kultura ng pagbabasa sa mga Pinoy, maipakilala pa ang mga likha ng mga lokal na manunulat at mapaunlad ang publishing industry sa bansa.
Umapela naman si Senate Pro Tempore Loren Legarda sa Department of Education na tangkilikin at iprayoridad ang pagbili ng mga librong isinulat ng mga Pinoy para sa mga silid aklatan ng mga pampublikong paaralan.
Inihayag naman ni DepEd Undersecretary Gina Gonong na naglaan na ang gobyerno ng P1.2 bilyong pondo para sa lokal na pagbili ng supplementary learning materials.
Bukod dito ay naigawad na rin aniya ng DepEd ang halos P2 bilyong halaga ng kontrata sa 40 local publishers para sa textbooks.
Sinabi naman ng local author na si Maita na malaking tulong ang book fair para mas lumawak ang access at ang readership lalo na sa mga librong gawa ng mga bago at maliliit na manunulat.
Oportunidad din aniya ito para mabasa ng mga mag-aaral na Pinoy ang akda ng sarili nitong kababayan at hindi lang ng foreign writers.
Isa sa mga naabutan ng NET25 news team na namimili sa book fair ay ang guro at book lover na si Jerome na naghahanap ng mga libro ng mga tula at sanaysay na ibabahagi rin niya sa kaniyang mga estudyante.
Naniniwala si Jerome na hindi naman nawala ang pagkahilig sa pagbabasa ng mga libro ng mga Pinoy lalo na ng kabataan pero nabago lang ang platforms kung saan sila nagbabasa dahil sa teknolohiya
Moira Encina