Mga lider ng Israel at Turkey nagpulong
Sa unang pagkakataon makalipas ang higit na isang dekada, ay nagpulong ang mga lider ng Turkey at Israel na sina Turkish President Recep Tayyip Erdogan at Israeli Prime Minister Yair Lapid, para pag-usapan ang tungkol sa Israeli nationals na hawak ngayon ng Palestinian militants na Hamas.
Ang dalawang lider ay nagkita sa sidelines ng United Nations General Assembly, isang buwan matapos i-anunsiyo ng dalawang bansa ang pagbabalik ng kanilang diplomatic ties kasunod ng ilang taon ding tensiyon.
Ayon sa tanggapan ni Lapid, binanggit ng opisyal ang isyu tungkol sa mga nawawala at binihag na Israelis at ang kahalagahan na sila ay mapauwi, maging ang tungkol sa mortal nitong kaaway na Iran at pinasalamatan si President Erdogan para sa intelligence cooperation nito.
Noong 1949, ang Turkey ang unang Muslim-majority nation na kumilala sa Israel.
Ngunit pumangit ang relasyon sa ilalim ni Erdogan, na lumayo sa sekularismo ng kanyang bansa mula nang maging pangunahing pinuno siya noong 2003. Huli siyang nakipagkita sa isang Israeli prime minister noong 2008.
Lalo pang nasira ang relasyon noong 2010 nang mamatay ang 10 sibilyan kasunod ng raid ng Israel sa Turkish Mavi Marmara ship, na bahagi ng isang maliit na grupo ng mga barko na nagtangkang pumasok sa blockade sa pamamagitan ng pagdadala ng ayuda sa Gaza strip.
Namalagi ang relasyon ni Erdogan sa Hamas, ang Islamist movement na kumo-kontrol sa lubhang mataong Gaza strip. Pinaniniwalaang hawak ng grupo ang dalawang Israeli civilians.
Sa kaniyang talumpati sa UN General Assembly, muling ipinanawagan ni Erdogan ang pagtatatag ng isang Palestinian state kung saan ang East Jerusalem ang magiging kapitolyo nito.
Ngunit sinabi rin niya, “Turkey is determined to continue to develop our relations with Israel for the sake of the future, peace and stability of not only the region, but also of Israel, the Palestinian people and ours.”
Nitong mga nagdaang buwan ay kumilos din si Erdogan para makipagkasundo sa mga kalabang rehiyon gaya ng Saudi Arabia, at may ilang analysts na naniniwalang inuuna niyang tugunan ang mga problema sa ekonomiya ng Turkey bago ang eleksiyon sa susunod na taon.
© Agence France-Presse