Mga lokal na balita sa Canada iba-block ng Google, bilang tugon sa batas ng media
Ang Google ang naging pinakabagong Silicon Valley giant na humarang sa mga user ng Canada na makakita ng lokal na balita sa platform nito, pagkatapos maipasa ng Ottawa ang isang panukalang batas na nag-aatas sa mga tech company na magbayad para sa naturang content.
Ang Online News Act na naging batas noong nakaraang linggo, ay may layuning suportahan ang nahihirapan nang sektor ng pagbabalita sa Canada, kung saan daan-daang publikasyon ang nagsara noong nakaraang dekada.
Inaatasan nito ang digital giants na gumawa ng patas na commercial deals sa Canadian outlets para sa mga balita at impormasyong ibinabahagi sa kanilang mga platform, o harapin ang umiiral na arbitrasyon.
Sa isang pahayag, sinabi ng Google, “The new law is ‘unworkable’ and that the government has not given it reason to believe ‘structural issues with the legislation’ would be resolved during its implementation.”
Sa isang blog post, idinagdag pa ng Google, “It will be ‘harder for Canadians to find news online’ and ‘for journalists’ to reach their audiences.”
Gayunman, ma-a-acces pa rin ng mga taga Canada ang mga balita mula sa Canadian sites sa pamamagitan ng pag-type sa web address nito direkta sa isang browser o sa pamamagitan ng mga app.
Ang anunsyo ng Google ay ginawa pagkatapos mabigo ang huling pakikipag-usap nito sa gobyerno.
Inanunsiyo rin ng tech giant na Meta na iba-block na rin nila ang Canadian news sa Facebook at Instagram.
Ang dalawang kumpanya, na nangingibabaw sa online advertising, ay inakusahan ng pag-ubos ng pera mula sa mga tradisyonal na organisasyon ng balita habang ginagamit ang kanilang content nang libre.
Ayon sa Google, “We have informed the government that we have made the difficult decision that… we will be removing links to Canadian news from our Search, News, and Discover products and will no longer be able to operate Google News Showcase in Canada.”
Ang panukala ng Canada ay ibinatay sa New Media Bargaining Code ng Australia, na una pa lamang sa buong mundo, kung saan pinagbabayad ang Google at Meta para sa news content sa kanilang platforms.