Mga lugar na isasailalim sa GCQ, hindi dapat magrelax sa laban kontra Covid-19
Dapat na mapanatili ang mataas na Covid 19 surveillance ng mga lugar na mapapabilang sa General Community Quarantine (GCQ) pagsapit ng Mayo 1.
Sinabi ni National Action Plan on COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez na ang mga regional at provincial Local Government Units o LGUs na mapapabilang sa GCQ ay kailangang paigtingin ang kanilang health care system, testing capacity at quarantine facilities.
Inihalimbawa ni Galvez ang karanasan ng Singapore at iba pang bansa sa pagkakaroon ng second wave outbreak ng Covid 19.
Ayon kay Galvez noong una aniya ay maganda ang ipinakikitang response laban sa Covid 19 ng mga ito hanggang magkaroon ng relapse at tumama ang second wave ng virus.
Iginiit ni Galvez dapat ay maging mapagbantay pa rin ang mga lugar na mapapabilang sa GCQ at huwag magrelax o magpaka-kampante bagkus mahigpit na sundin ang minimum health standard guidelines na inilabas ng Inter Agency Task Force o IATF na kinabibilangan ng mahigpit na pagpapatupad ng social distancing, pagsusuot ng face mask, paglalagay ng mga sanitation outlet at regular na pagkuha ng body temperature.
Magugunitang may naunang babala ang World Health Organization o WHO na kung magkakaroon man ng kautusan mula sa ECQ patungong GCQ kailangan ang ibayong pagbabantay para hindi magkaroon ng second wave attack ng Covid 19.
Ulat ni Vic Somintac