Mga lugar na kabilang sa Covid-19 high risk area, makikinabang sa bagong dating na higit 800,000 doses ng Pfizer vaccines
Kabilang ang National Capital Region (NCR) sa mababahaginan ng mga bagong dating na Pfizer vaccine sa bansa.
Alas-8:30 kagabi nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang nasa 813,150 doses ng Pfizer vaccine lulan ng Air Hongkong flight LD456.
Ito na ang pinakamalaking shipment ng bakuna ng Pfizer vaccine na dumating sa bansa.
Maliban sa NCR, sinabi ni National Task Force Against Covid-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez, Jr., na mabibigyan din ng bakuna ang mga lugar na napaulat na may mataas na kaso ng Delta variant.
Ito na ang ikatlong batch ng Pfizer vaccine na binili ng gobyerno kung saan ang unang delivery ay noong July 21 na may kabuuang 562,770 doses at ang second batch ay noong July 26 na may 375,570 doses.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa halos 40 milyong doses ng iba’t-ibang brand ng Covid-19 vaccine ang dumating na sa bansa.