Mga lugar sa bansa na may naitalang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ngayong holiday season, binabantayan na- Malakanyang
Tinututukan na ng National Task Force o NTF ang mga lugar sa bansa na may naitalang pagtaas ng kaso ng COVID- 19 ngayong holiday season.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, isinailalim na sa close monitoring ng NTF ang mga lugar na tumaas ang transmission rate ng COVID -19.
Ayon kay Roque batay sa datus ng Department of Health o DOH tumaas ang transmission rate ng COVID 19 sa Cordillera Administrative Region o CAR, Region 2, Region 4A o CALABARZON, Region 11 at siyam na Lungsod sa Metro Manila.
Inihayag ni Roque bagamat nagkaroon ng pagtaas sa kaso ng COVID 19 sa mga nabanggit na lugar ng bansa nananatiling manageable ang sitwasyon dahil hindi pa umaabot sa kritikal ang health care utilization.
Aminado si Roque kung patuloy na babalewalain ng publiko ang pagsunod sa itinakdang standard health protocol hindi malayong lolobo ang kaso ng COVID -19 sa bansa ngayong holiday season hanggang sa pagsalubong sa bagong taon.
Muling ipinaalala ni Roque ang pagsunod sa standard health protocol na mask, hugas, iwas para hindi magkaroon ng COVID- 19.
Vic Somintac