Mga lumayang PDLs hinimok na iulat sa BuCor ang mga pasaway na tauhan ng piitan
Nagtatag ang pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) ng panibagong unit na tututok sa pagbantay at paghuli ng mga tiwaling tauhan ng kawanihan.
Ayon kay BuCor officer-in-charge Gil Torralba, ito ay ang Integrity Monitoring and Enforcement Unit (IMEU).
Hinimok ng opisyal ang mga bagong layang persons deprived of liberty (PDLs) na i-text o tumawag sa mga numero sa IMEU card na ibinigay sa kanila ang mga mabubuting BuCor personnel lalo na ang mga pasaway.
“Mayroon po kami ipinalagay ni direktor na isang card. Card po ito ng Integrity Monitoring and Enforcement Unit. Nandito litrato ni direktor nandito telephone number at may pakiusap po sa likuran. Ngayon puwede rin i-text nyo ito nagpahirap sa akin sa loob. So yun nagpahirap sa iyo sa loob nasa listahan na namin for monitoring. Ano po maaasahan po namin kayo? Baka oo lang kayo wala akong mareceived na text. Wag kayong mag-alala ako lang makakabasa.” pahayag ni BuCor OIC Gil Torralba
Nilinaw ng kawanihan na confidential ang mga matatanggap nilang report at dadaan sa masusing validation.
Maliban sa PDLs, hinihikayat din ng IMEU ang mga empleyado ng BuCor na ireport ang mga kapwa nila kawani na sangkot sa mga iligal na aktibidad at maging ang mga dapat na maparangalan.
“Katulad ng sinabi ko kanina good against evil. Sila sila. Maraming magagaling maraming matatalino na miyembro ng bucor pero sa isang organisasyon napakahirap talaga mayroon talagang bad eggs dun tayo after sa kanila ang magsusumbong sa kanila ung mabubuting kawani ng Bureau of Corrections.” dagdag pa ni Torralba
Aabot sa 146 inmates ang sabay-sabay na lumaya ngayong Biyernes sa iba’t ibang kulungan ng BuCor.
Batay naman sa tala ng BuCor mula August 25 hanggang nitong October 27, kabuuang 949 ang nakalaya mula sa mga kulungan nito.
“MGA LUMAYANG PDLS MULA AUG.25-OCT.27
Correctional Institution for Women – 90
Davao Prison and Penal Farm – 177
Iwahig Prison and Penal Farm – 23
Leyte Regional Prison – 69
New Bilibid Prison (NBP) – 486
Philippine Military Academy – 2
Sablayan Prison and Penal Farm – 33
San Ramon Prison and Penal Farm – 71
TOTAL: 949″)
Karamihan sa mga nakalabas sa nasabing panahon ay ang mga mula sa Maximum Security Camp ng New Bilibid Prison.
Tiniyak ni Justice Secretary Crispin Remulla na ginagawa nila ang lahat ng paraan upang mapabilis ang paglaya ng mga PDL na natapos na ang sentensya.
” Ang correction system is the window of the soul of the country. Kaya wala hong tigil pinag-iisipan natin ang lahat ng paraan upang iayos ang sistema ng correction sa Pilipinas.” pahayag ni Justice Secretary Crispin Remulla
Patuloy din aniya ang pag-follow up ng DOJ sa Malacañang sa mga inirekomenda para magawaran ng executive clemency.
Ayon sa Board of Pardons and Parole, mahigit 1,000 pangalan ng preso ang isinumite nila sa Palasyo upang mabigyan ng clemency ng pangulo.
Moira Encina