Mga magulang, hinimok na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa iba pang mga sakit
Hinikayat ng Philippine Medical Association (PMA) ang mga magulang o guardians sa mga lugar na nasa ilalaim ng Alert Level 1, na pabakunahan ang kanilang mga anak na bagong silang hanggang 2 taon laban sa vaccine-preventable diseases.
Ayon kay PMA president Benny Atienza, sila ang mga batang isinilang makaraang magsimula ang COVID-19 pandemic, kaya marami sa mga ito ang hindi nabakunahan laban sa halimbawa aniya’y tigdas.
Umaasa si Atienza, na sasamantalahin ng mga magulang ang alert level para mabakunahan ang mga bagong silang na sanggol hanggang dalawang taon. Marami sa mga ito ay hindi nabakunahan dahil sa pandemya.
Batay sa National Expanded Program on Immunization ng Department of Health (DOH), ang mga bakunang dapat na maibigay sa mga batang edad isa at pababa ay BGC para sa tuberculosis at Hepatitis B; para sa diphtheria-tetanus-hepatitis B- pertussis-pneumonia-meningitis; polio; measles/mumps at German measles.
Nagbabala si Atienza na ang bansa ay papasok na sa summer season, at sa ganitong panahon karaniwang tumataas ang kaso ng tigdas.
Kaugnay nito ay hinimok niya ang mga magulang na alamin sa kanilang health centers ang schedule para sa libreng bakuna na available para sa kanilang mga anak.
Dagdag pa nito, ang gobyerno ay mayroon ding immunization program para sa senior citizens gaya ng flu, kaya ang mas mababang alert level ay dapat samantalahin para sila ay makapagpabakuna, hindi lamang laban sa COVID-19 kundi maging laban sa iba pang mga sakit.