Mga magulang at kapatid ni Reynaldo ‘Kulot’ de Guzman inilagay na sa Witness Protection Program ng DOJ
Pormal nang isinailalim sa Witness Protection Program ng DOJ ang mga magulang ni Reynaldo ‘Kulot’ de Guzman.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, kasama sa provisional coverage ng WPP ang dalawang anak na menor de edad nina Eduardo Gabriel at Lina de Guzman-Dimaganti.
Boluntaryo aniyang nagtungo sa DOJ ang mag-asawa at ang dalawa pa nilang anak para sila ay mailagay sa WPP.
Ayon sa kalihim, nagtitiwala ang mga magulang ni Kulot sa kakayanan ng WPP ng pamahalaan para sila ay mabigyan ng proteksyon.
Una nang naghain ng reklamong double murder ang mga magulang ni Kulot sa DOJ sa pamamagitan ng PAO laban sa mga pulis Caloocan at taxi driver na dawit sa pagkamatay ng kanilang anak at ni Carl Angelo Arnaiz.
Naniniwala sina Eduardo at Lina na sinadyang pinatay si Kulot para walang maging testigo sa pagpaslang kay Carl Angelo.
Ilan sa mga benepisyo na tatanggapin ng mga nasa WPP ay safehouse, security, monthly allowance at livelihood.
Ulat ni: Moira Encina