Mga mahistrado at opisyal ng Korte Suprema nakipag-pulong sa liderato ng PNP kaugnay sa isyu ng lawyers’ killings
Nag-pulong na ang Korte Suprema at PNP kaugnay sa mga kaso ng pagpaslang at pagbabanta sa mga abogado at hukom sa bansa.
Pinangunahan ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang Korte Suprema sa virtual meeting kay PNP Chief Debold Sinas at iba pang matataas na opisyal ng Pambansang Pulisya.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, naging produktibo ang paghaharap ng mga opisyal dahil tinalakay ng PNP ang itinatakbo ng kanilang pagtugon sa panawagan ng Korte Suprema.
Tiniyak ng mga opisyal ng SC at PNP na patuloy na magtutulungan ang dalawang institusyon para sa kabutihan ng sambayanang Pilipino.
Wala namang binanggit kung ano ang tugon ng PNP sa panukalang paggamit ng body cameras ng mga pulis sa pagsisilbi ng search at arrest warrants.
Ang nasabing pagpupulong ay online courtesy call din ng PNP sa bagong punong mahistrado at ang unang meeting sa pagitan ng mga SC justices at ng Pambansang Pulisya.
Una nang kinondena ng Korte Suprema ang “assault” sa hudikatura bunsod ng mga pagbabanta, harrassment, at pagpatay sa hanay ng mga abogado at huwes.
Hiniling din ng SC sa mga lower courts at ibat ibang law enforcement agencies na bigyan sila ng impormasyon kaugnay sa bilang at kaso ng pagbabanta at pagpatay sa mga abogado sa nakalipas na 10 taon.
Isa pa sa mga hakbangin ng Korte Suprema sa isyu ay ang deliberasyon para sa promulgasyon ng mga panuntunan para sa paggamit ng body camera ng mga law enforcers.
Moira Encina