Mga mambabatas hinimok na tumulong sa kampanya sa No Vaccine No Ride policy ng gobyerno
Hinimok ni Senador Christopher Bong Go ang mga kapwa mambabatas na tumulong sa information campaign ng gobyerno kung bakit kailangang ipatupad ang No Vaccine No Ride policy.
Hindi pabor si Go na Chairman ng Senate Committee on health sa mga mungkahing ipatigil at paimbestigahan ang isyu dahil sa umano’y walang legal na basehan at nilikhang diskriminasyon sa publiko.
Ayon sa Senador , welcome ang anumang imbestigasyon pero kailangang maunawaan ng publiko ang mga pag-aaral na delikado sa kalusugan ng bawat indibidwal kung walang bakuna.
May pahayag rin aniya ang DOH na 85 percent ng mga nasa ICU ngayon sa mga ospital ay hindi bakunado.
Ito aniya ang dahilan kaya nililimitahan rin ng gobyerno ang paglabas ng mga hindi bakunado lalo na ang mga indibidwal na may medical conditions.
Paglilinaw naman ni Go hindi lang No Vaccine No Ride policy ang ginagawa ng gobyerno para maiwasang lumubo pa ang kaso kundi ang paghihigpit sa non essential travel at iba’t ibang health protocol.
Meanne Corvera